Matapos ang pulong sa Camp Aguinaldo, sa Loakan Airport sa Baguio City sa Benguet, dumiretso ang mga kinatawan ng United States Agency for International Development (USAID).
Ito’y para makipagpulong naman sa mga opisyal ng Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, Tactical Operations Group 1 ng Philippine Air Force at Department of Environment and Natural Resources-CAR ukol sa update sa forest fire sa Benguet.
Ayon sa OCD, aktibo ang USAID sa pagbabahagi ng kanilang istratehiya na may kinalaman sa paggamit ng heli buckets para sa pag-apula ng forest fire.
Tiniyak anila ng grupo mula sa Estados Unidos na handa sila sa anumang kapasidad na tumulong sa aerial suppression operations maging ito man ay sa pagpapagamit ng kanilang resources.
Nabatid na sa ngayon ay hindi pa rin naapula ang forest fire sa Benguet, subalit patuloy itong pinagtutulungan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at ng Philippine Air Force (PAF). | ulat ni Jaymark Dagala