Welcome para kay Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes ang sinabi ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inaaral pa rin ang planong pagtataas sa premium contribution sa PhilHealth.
Sa panayam sa Pangulo, sinabi nito na tinitimbang ng pamahalaan kung itutuloy o ipagpapaliban muna ang pagtaas ng premium contribution ng PhilHealth, mula sa 4% patungong 5%.
Kung mapatunayang mayroong benepisyo sa pagtataas sa premium contribution ay ipatutupad ito ng gobyerno.
Ani Reyes, kung ikukumpara kasi sa karatig bansa sa South East Asia, bagamat tayo ang may pinakamatagal na pooled health insurance na ipinatutupad ay tayo pa rin ang may pinakamababang insurance coverage.
Ito ay kahit pa lumalabas sa balance sheet ng state health insurer na mayroon silang surplus ng actuarial fund.
Maliban dito, nagawa pa nga aniya nila na magtaas ng bonus ng kanilang mga opisyal.
Kaya naman naniniwala ang mambabatas na hindi basta-basta kailangan taasan ang kontribusyon kung hindi naman matutugunan ang increase sa coverage. | ulat ni Kathleen Jean Forbes