Kinondena ni National Task Force To end the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Ernesto Torres Jr. ang umano’y pagkakalat ng disimpormasyon ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), tungkol sa nangyaring engkwentro sa Bilar, Bohol kamakailan na ikinasawi ng isa nilang miyembro.
Giit ni Usec. Torres, pawang kasinungalingan ang kinakalat ng NUPL na walang engkwentrong naganap at pag-aresto, pag-torture at pagpatay ang ginawa ng mga pwersa ng gobyerno.
Ayon kay Usec. Torres, malinaw na paraan lang ito ng NUPL para pagtakpan ang pagiging armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) ng kanilang miyembro na si Hannah Jay Cesista alyas Maya/Lean, na isa sa limang teroristang nasawi sa naturang engkwentro.
Binigyang diin ni Torres, na lehitimo ang operasyon ng mga awtoridad kung saan magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa NPA leader na si Domingo Jaspe Compoc alias Silong, nang maganap ang bakbakan na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng isa pa.
Hamon ni Usec. Torres sa NUPL, ipaliwanag sa publiko kung bakit ang isa nilang miymebro ay isa ring teroristang komunista. | ulat ni Leo Sarne