Tinawag na “logical at praktikal” ng Commission on Elections (COMELEC) na isabay na sa 2025 midterm elections ang plebesito para maamyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Sa paglulunsad ng Register Anywhere Project ng Poll Body sa tanggapan ng MERALCO ngayong araw, sinabi ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, na aabot sa P13 bilyong ang matitipid ng pamahalaan kung gagawin ito.
Sinabi ito ni Garcia kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sumusuporta sa ideyang pagsabayin na lamang ang plebesito at ang halalan sa susunod na taon.
Sinabi pa ni Garcia, na maliban sa midterm elections sa May, isasagawa rin sa susunod na taon ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections sa Oktubre.
Kaya naman kung isasabay ang plebesito sa midterm elections, wala nang karagdagang pondo ang kakailanganin.
Gayunman, hihilingin ni Garcia sa Kongreso na madagdagan ang ibinibigay na honoraria para sa mga guro dahil dalawa aniyang mahahalagang tungkulin ang kanilang gagampanan. | ulat ni Jaymark Dagala