Tiniyak ni Senate Majority Leader at Senate Committee on Rules Chair Joel Villanueva na pag-aaralan na nilang bumalangkas ng mga malinaw na polisiya para sa pagbuo ng Senate Assembly sa pagtalakay sa Economic Chacha bill.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag matapos ipahayag ni Senador Chiz Escudero ang kanyang pangamba na makuwestiyon ang kanilang proseso dahil sa kawalan ng rules dito ng Senado.
Ayon kay Escudero, sa Kamara ay mayroon silang rules kaugnay sa pag-adopt ng mga resolution na may kinalaman sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Binanggit ng senador ang Rule 21, Section 143 at 144 ng House, kung saan nakasaad na ang mga panukala para sa pag-amyenda sa konstitusyon ay maaaring idaan sa resolution, at sa pamamagitan ng 3/4 votes ay maaari silang magsulong ng pagbabago sa Saligang Batas.
Pangamba ni Escudero, baka mauwi lang sa wala ang kanilang mga ginagawang pagtalakay sa Resolution of Both Houses No. 6 kung hindi sila magkakaroon ng malinaw na rules tungkol dito. | ulat ni Nimfa Asuncion