Habang naghahanda na ang National Food Authority (NFA) sa palay procurement ay pinaiigting din ng ahensya ang operasyon nito para makabili ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka.
Ayon kay NFA OIC-Administrator Larry Lacson, kasama sa istratehiya ng ahensya ang pagpapalawak ng kolaborasyon sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU).
Isa itong programa ng NFA kung saan magdadagdag ang LGUs ng kaunting presyo kada kilo sa kasalukuyang palay buying price ng NFA para sa mga magsasaka.
Sa ngayon, may ilang LGUs na aniya ang tumulong sa NFA kabilang ang Camarines Norte na pumayag nang magdagdag ng ₱5 kada kilo sa buying price ng NFA.
Dahil dito, tataas na sa ₱28 per kg ang buying price para sa clean at dry palay, at habanggang ₱24 sa wet/fresh harvest.
Bukod sa Camarines Norte, nagdagdag na rin ng premium na naglalaro mula ₱1-₱5 kada kilo ang mga LGUs sa La Union, Bukidnon, Zamboanga City, Midsayap sa North Cotabato, Calapan City sa Oriental Mindoro, Candon sa Ilocos Sur, Malolos sa Bulacan, at bayan ng Conner sa Apayao.
Una na ring inatasan ni Agri Sec. Francisco Tiu Laurel si NFA OIC Lacson na tiyaking magpapatuloy ang ahensya sa pagtupad nito ng mandato na makatulong sa mga magsasaka kasama na ang pagbili ng palay lalo na ngayong panahon ng anihan. | ulat ni Merry Ann Bastasa