Maagang dinagsa ng jobseekers ang pagbubukas ng Mega Job Fair ng Quezon City government bilang bahagi ng selebrasyon ng Labor Day ngayong araw.
Sa City Hall Risen Garden, mahaba agad ang pila ng mga aplikanteng nagbabakasakaling makasungkit ng trabaho dito sa Pilipinas at abroad.
Kabilang dito ang aplikanteng si Eric na nagpaprint ng 10 resume para madaming kumpanya ang maaplayan.
Trabaho sa abroad naman ang target aplayan ni Mang Jesus na umaasang kahit sa edad na 50 ay matanggap pa rin sa anumang skilled job sa ibang bansa.
Una nang inanunsyo ng LGU na nasa 100 kumpanya ang mag-aalok ng higit 9,000 trabaho at oportunidad sa loob at labas ng bansa sa naturang job fair, na pinakamalaking job expo na inorganisa ng city government.
May One-Stop Shop din para makapagproseso ng requirements ang mga aplikante gaya ng QCitizen ID, PhilSys ID, Social Security System, PhilHealth, at Pag-IBIG membership.
Libre ring makakakuha ng clearance sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang first-time jobseekers.
Habang ang TESDA ay mag-aalok din ng libreng training at seminars. | ulat ni Merry Ann Bastasa