Umaapela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na magpasa ng mga panukala na susuporta sa job creation agenda ng gobyerno.
“I call on Congress to pass laws that will support the attainment of our jobs creation agenda,” — Pangulong Marcos Jr.
Kabilang na rito ang Enterprise-based Education and Training Program law, Revised Apprenticeship Program Act, at ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o CREATE MORE law.
Sa talumpati ng Pangulo sa pagdiriwang ng Labor Day, pinasalamatan nito ang mga manggagawang Pilipino, kasabay ng pagkilala sa papel ng mga ito sa tagumpay at pagsulong ng bansa.
“Sa lahat ng mga manggagawang Pilipino, muli ako’y nagpapasalamat sa inyo. Kayo ang puso at kaluluwa ng ating lakas-paggawa, ang nagsusulong ng ating tagumpay, at ang dahilan kung bakit patuloy tayong nangangarap para sa isang mas maliwanag na bukas,” -Pangulong Marcos Jr.
Pagbibigay diin ng Pangulo, sila ang mukha ng Bagong Pilipinas, kaya’t nararapat lang na mabigyan ang mga ito ng dangal, respeto at paghanga.
“Umasa po kayo na ang mga manggagawang Pilipino, sa loob o labas man ng bansa, ay patuloy na aalagaan ng pamahalaan. Ang kanilang mga karapatan at kapakanan ay tiyak at tunay na tinututukan ng kinauukulan. Maraming salamat po sa inyong lahat,” — Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan