Kasabay ng pagbibigay pugay sa mga manggagawa ngayong Labor Day, tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, na gagawin ng Mataas na Kapulungan ang lahat para magbalangkas ng mga batas na magpapaigting ng proteksyon, kapakanan at kakayahan ng ating mga manggagawa.
Unang ibinida ni Villanueva na pirmado na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Trabaho Para sa Bayan Act.
Umaasa ang senador na magiging epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas, para mabigyang solusyon ang unemployment, underemployment at ang seasonality ng ilang mga trabaho.
Maliban dito ay ibinahagi ng majority leader na naiprisinta na sa plenaryo ng Senado ang Enterprise-based Education and Training bill.
Layon ng panukalang ito, na ma-engganyo ang mga employer na magpatupad ng mga in-company training para maging angkop ang kasanayan ng mga manggagawa sa kanilang pangangailangan.
Nanawagan rin si Villanueva sa mga employer, na tingnan ang iba’t ibang alternatibong working arrangement gaya ng telecommuting o work from home para maibsan ang kalbaryo ng mga manggagawa sa pagpasok sa gitna ng matinding init at traffic. | ulat ni Nimfa Asuncion