Dahil sa nararanasang sobrang init ng panahon, nagpahayag ng suporta si Senador Francis Tolentino sa mga mungkahi na ibalik na ang dating school calendar, kung saan ang pasukan ng mga estudyante ay tuwing Hunyo at simula na ng bakasyon tuwing Marso at Abril.
Binigyang diin rin ni Tolentino ang kahalagahan ng pagdedesisyon ng mga magulang kung papayagan bang pumasok ang kanilang mga anak sa paaralan kapag nakararanas ng heat wave.
Kasabay nito ay dapat pa rin aniyang magkaroon ang mga educational institutions ng alternatibong learning solutions para hindi maantala ang pagkatuto ng mga bata.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, nilinaw ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum na hindi pa tiyak kung magpapatuloy ang Heat Index Temperature (HIT) hanggang sa susunod na taon.
Ayon kay Solidum ito ay dahil sa inaasahang transition sa La Niña sa ikalawang bahagi ng taon.
Pinaliwanag rin ng kalihim na ang terminong heat wave ay ginagamit kapag tatlo hanggang limang magkakasunod na araw makakaranas ng sobrang taas na temperatura.
Gayunpaman, hindi aniya kadalasang ginagamit sa Pilipinas ang terminong ito bilang sanay na tayong makaranas ng mataas na temperatura. | ulat ni Nimfa Asuncion