Sa gitna ng pagdiriwang ng Labor Day, muling iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang panukalang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493).
Kabilang sa mga isinusulong ng panukala ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay sa mga guro.
Nakasaad din dito ang mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance, pinaigting na criteria sa sahod, at proteksyon sa mga guro mula sa out-of-pocket expenses o dagdag gastos.
Itinatakda din sa panukalang batas na makukuha din ng probationary teachers ang parehong sahod, benepisyo, at mga kondisyon sa trabaho na nakukuha ng entry-level teachers.
Nakapaloob rin na babawasan na ang oras ng pagtuturo sa apat na oras mula anim pero pwede pa ring magtrabaho ang mga guro nang hanggang walong oras kung kinakailangan.
Ipagbabawal naman ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro.
Giniit ni Gatchalian na nararapat lang ibigay sa mga guro ang mga benepisyong ito bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon at sa kanilang papel sa paghubog sa kakayahan at galing ng mga estudyante.| ulat ni Nimfa Asuncion