Naghahanap ng mahusay na law firm ang PNP para tumulong sa mga pulis na nahaharap sa “counter charges” sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa isang ambush interview sa kanyang pagbisita sa National Capital Region Police Office (NCRPO) Headquarters ngayong umaga.
Ayon sa PNP Chief, mayroon nang financial institution na nag-alok ng tulong pinansyal sa halagang P10,000 para sa bawat pulis na masasampahan ng “counter charge”, pero mas maganda aniya kung mayroong law firm na maaaring takbuhan ng mga nakakasuhang pulis.
Matatandaang sinabi kahapon ng PNP chief na sisikapin niyang mabigyan ng libreng legal assistance ang mga pulis na nakakasuhan sa kanilang mga operasyon laban sa mga “malalaking tao”.
Ayon sa PNP chief, bagama’t may PNP Legal Service na tumutulong sa mga pulis na nakakasuhan, nahihirapan ang mga ito na tapatan ang mga de-kampanilyang abogado ng mga makapangyarihang kriminal. | ulat ni Leo Sarne