Tinabla ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang pahayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na may ilang mga retirado, dati, at aktibong pulis ang nagbabalak patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang reaksyon ng PNP chief makaraang isiwalat ni Trillanes na maraming pulis umano ang nananatiling tapat umano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam kay Marbil, sinabi nito na walang katotohanan ang mga pahayag ni Trillanes at sa katunayan ay nananatili silang tapat sa Saligang Batas.
Katunayan aniya, maging siya ay nabibiktima ng disinformation o fake news dahil sa mga kumakalat na balitang tatapyasan umano niya ang mga benepisyong ibinibigay sa mga pulis.
Bagay na taliwas naman sa kaniyang mga ginagawa ngayon sa hanay ng Pulisya na ibigay ang angkop at nararapat na benepisyo para pataasin ang morale ng mga ito.
Una nang sinabi ng PNP chief na kinausap niya mismo ang kanilang matataas na opisyal at tiniyak ng mga ito sa kaniya ang kanilang katapatan sa Konstitusyon at hindi na kailangang magsagawa pa ng loyalty check sa kanilang hanay. | ulat ni Jaymark Dagala