Hinamon ni Senadora Imee Marcos ang mga nagkakalat ng impormasyon na may binubuong destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglabas ng ebidensya.
Ayon kay Senadora Imee, kung wala namang maipakitang katibayan ay hindi na dapat ito bigyan ng pansin.
Dapat aniyang tumutok na lang sa trabaho at tugunan ang mga problema ng bayan.
Ganito rin ang panawagan ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.
Sinabi ni Revilla na hindi ito ang tamang panahon para sa isyu ng destabilisasyon.
Binigyang diin ng senador na hindi makakatulong para sa bansa ang magkawatak-watak.
Hindi kasi aniya ito magiging maganda para sa ekonomiya ng Pilipinas at sa huli ay ang taumbayan rin ang maaapektuhan.| ulat ni Nimfa Asuncion