Tiniyak ng Department of National Defense (DND) na gumagawa sila ng kaukulang hakbang upang protektahan ang kanilang hanay, ang Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang sambayanang Pilipino.
Ito ang tinuran ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa harap ng pagpapakalat ng disinformation, panlilinlang, at mga hindi kanais-nais na hakbang ng China na may kinalaman sa usapin ng West Philippine Sea.
Dahil dito, sinabi ni Teodoro na paiigtingin pa nila ang kanilang operational security measures para labanan ang mga maling gawain ng China.
Nag-ugat ang pahayag ni Teodoro nang kuhanan siya ng reaksyon hinggil sa pahayag ng Chinese Embassy sa Pilipinas na mayroon silang hawak na diumano’y recording ng pag-uusap sa pagitan nila at ng isang military official.
Bagay na ayon kay Teodoro ay isang paglabag sa batas ng Pilipinas dahil sa hindi nito pagdaan sa mga kinauukulang ahensya gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kaya naman, sinabi ni Teodoro na ipinauubaya na nila sa DFA ang pagtukoy sa kung sino ang nasa likod ng posibleng “wire-tapping” at papanagutin sa ilalim ng mga umiiral na batas. | ulat ni Jaymark Dagala