Tinawag na “tsismis” ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang mga pagbubunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV hinggil sa umano’y “destabilization plot” laban sa administrasyong Marcos Jr.
Sa isang ambush interview sa Kampo Crame, sinabi ni Abalos na walang dapat ikabahala ang publiko sa mga pahayag ni Trillanes at hindi ito dapat patulan pa.
Paliwanag ng kalihim, bawat administrasyon naman aniya ay may lumulutang na ganitong tsismis kaya’t para sa kaniya ay normal na lang ito.
Pagtitiyak pa ni Abalos, 101 percent aniyang nakasuporta ang Pambansang Pulisya sa administrasyon at mananatili aniyang tapat ang mga ito sa Saligang Batas.
Sa katunayan, sinabi ni Abalos na abala sila sa trabaho at patunay lamang ang bilyong pisong halaga ng iligal na droga na una nang nasamsam ng PNP sa mga ikinasa nitong operasyon.
Magugunitang idinawit ni Trillanes ang mga retirado at aktibong opisyal ng PNP na nananatiling tapat umano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagkakasa ng destabilisasyon, bagay na mariin namang itinanggi ng PNP. | ulat ni Jaymark Dagala