Maaaring ikonsidera ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na limitahan na ang pagaangkat ng imported na sibuyas kasunod ng naging paglago sa lokal na produksyon ng sibuyas nitong mga nakalipas na buwan.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), umangat sa 28.58% ang produksyon ng onion industry sa unang quarter ng 2024.
May katumbas na halaga itong aabot sa higit ₱8-bilyon.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, kokonsultahin nila ang Bureau of Plant Industry (BPI) para sa aktwal na suplay ng sibuyas ngayong Mayo.
Dito aniya idedepende kung maaaring palawigin ang importation ban hanggang Hunyo o kaya ay ibaba na lang ang import volume.
“Matandaan natin, sinabi ni Secretary (Francisco) Tiu Laurel na walang importation hanggang May, at pwedeng i-extend hanggang July, depende sa magiging performance. So this could be one way of saying na we have enough supply,” pahayag ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Sinabi pa ni De Mesa na inasahan ng DA ang pagsipa sa lokal na produksyon sa sibuyas dahil na rin tumaas sa 40% ang mga lupaing napagtamnan ng sibuyas noong 2023. | ulat ni Merry Ann Bastasa