Hinikayat ngayon ng Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang publiko na isumbong sa kanilang “Aksyon on the Spot” hotline ang mga pasaway na motoristang gumagamit pa rin ng sirena at blinker sa kabila ng “anti-wangwang” order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay Asec. Mendoza, bukod sa mga sasakyan ng gobyerno na hindi awtorisadong gumamit ng blinkers, maaari ring ireport dito ang mga mananamantalang pribadong sasakyan.
Itinutulak nito na maging instrumento ang naturang hotline sa publiko laban sa mga sumusuway sa kautusan ng Pangulo.
“Lalo pa po nating itong pinamadali nang maglabas ng kautusan ang ating Pangulong Bongbong Marcos na laban sa iligal na paggamit ng sirens and blinkers para magkaroon ng reliable na platform ang ating mga kababayan sa kanilang mga reklamo laban sa mga sumusuway sa kautusan ng ating Pangulo,” ani Mendoza.
Samantala, bukod sa mga pasaway na motorsita, maaari ring ireport sa naturang Aksyon on the Spot hotline ang online scammers na nagpapanggap na LTO personnel at nagpapadala ng pekeng traffic violations.
Kailangan lamang na magpadala ng mensahe sa numerong 09292920865. | ulat ni Merry Ann Bastasa