Binigyang diin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang kahalagahan ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) para sa seguridad ng bansa.
Sa mensahe ni Teodoro sa Maritime Security Symposium 2024 ng Philippine Navy kahapon, sinabi niyang partikular na mahalaga ang CADC dahil kasalukuyang nahaharap ang teritoryo ng bansa sa banta mula sa panlabas na mananakop.
Ayon kay Teodoro, ang CADC ay magiging pundasyon ng pagpapalakas ng Pilipinas laban sa mga hamon sa teritoryo nito.
Dagdag pa niya, ang pagpapalakas ng depensa ay dapat na magkaroon ng tamang balanse, kabilang ang pagsusulong ng ‘strategic alliances’ tulad ng Balikatan Exercises.
Iginiit din ng Kalihim ang kahalagahan ng pagtutulungan at pag-adapt ng bansa sa mga bagong hamon sa seguridad upang masiguro ang kaligtasan at soberanya ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne
📷: DND