Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit National Capital Region ang dati nilang kabaro na sangkot sa estafa at pagiging fixer.
Sa ulat ng IMEG, naaresto ang pulis na dating SPO4 ang ranggo sa isang establisimyento sa Brgy. Bagong Lipunan, Quezon City na ilang hakbang lamang ang lapit mula sa PNP Headquarters sa Kampo Crame.
Inireklamo ang suspek ng mga dati niyang kabaro dahil sa panghihingi nito ng lagay para sa pag-aayos ng kanilang “Drop from Roll” status sa PNP para makapagretiro at makakuha ng benepisyo dahil ang suspek kasi ang nag-aasikaso nito.
Nakuha sa suspek ang ₱23,000 na marked money at cellphone na gamit nito matapos ang isinagawang transaksyon.
Kasalukuyang nananatili sa IMEG Custodial Facility sa Camp Crame ang inarestong dating pulis kung saan isasailalim ito sa inquest proceedings para sa kanyang kaso sa Prosecutors Office ng Department of Justice. | ulat ni Jaymark Dagala