Tiniyak ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines ang kahandaan ng MIAA na tumugon sa mga emergency sa paliparan kung kinakailangan.
Ito ay matapos ang pagkilala nito sa MIAA Terminal 3 medical team para sa kanilang mabilis na aksyon sa pagligtas ng buhay ng isang matandang pasahero.
Pinangunahan ni Dr. Blesylda Tatad Busto ang nasabing team na nangasiwa upang mailigtas mula sa kapahamakan ang nasabing pasahero kung saan kanila itong nai-revive at tsaka dinala sa Makati Medical Center.
Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Dr. Busto ang pamilya ng pasyente para sa kanilang pagkalugod sa kanilang team at sinabing ginagawa lamang nito ang kanilang trabaho.
Pinuri naman ni GM Ines ang rumespondeng emergency team at naka-schedule na bigyan ng pagkilala sa flag raising ceremony ng MIAA sa Hunyo.
Binubuo ang MIAA emergency services team ng halos 300 personnel na nakaalerto 24/7 para rumesponde sa mga emergency sa NAIA complex at mga kalapit lugar.
Regular din na sumasailalim sa pagsasanay ang mga kawani ng emergency services upang mapanatili ang international standard pagdating sa emergency preparedness. | ulat ni EJ Lazaro