Tiwala ang mga nagtitinda sa Marikina City Public Market na bababa na ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin sa mga susunod na araw.
Ito’y dahil sa inaasahang mararamdaman na ang epektong dulot ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo na nagsimula kahapon.
Pero sa ngayon, sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas ay wala pa ring pagbabago sa presyuhan.
Ayon sa mga nagtitinda, uubusin pa muna nila ang kanilang suplay at maipapataw na ang mas mababang presyo sa pagpasok ng bago nilang suplay.
Sa kasalukuyan, nananatiling matatag ang presyuhan ng manok na nasa ₱160 hanggang ₱170 ang kada kilo, baboy ay nasa ₱320 hanggang ₱380 ang kada kilo, habang ang baka ay nananatili sa ₱410 ang kada kilo.
Ang galunggong ay nasa ₱200 ang kada kilo, bangus ay nasa ₱160-₱180 ang kada kilo, habang ng tilapia ay bumaba ang presyo sa ₱110 ang kada kilo.
Presyuhan naman ng gulay, luya ay nasa ₱170 ang kada kilo, bawang ay nasa ₱150 ang kada kilo, ampalaya ay nasa ₱110 ang kada kilo, at sibuyas ay nasa ₱90 ang kada kilo.
Nananatili namang mababa ang presyo ng repolyo at pechay baguio na nasa ₱60 ang kada kilo habang ang sayote ay nagtaas ng ₱5, na ngayon ay nasa ₱55 ang kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala