Pinag-aaralan na National Food Authority (NFA) na alisin na ang rebagging policy o huwag nang balutin ng NFA sacks ang mga nabibiling palay sa mga magsasaka.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, malaki ang matitipid ng ahensya sa sako at handling costs kung hindi na nito ire-rebag pa ang mga nabibiling palay.
Katunayan, sa tantya ng opisyal, posibleng umabot sa halos kalahating bilyon ang matitipid dito ng NFA.
Paliwanag ni Admin Lacson, walang magiging problema dito basta’t tama ang specifications sa mga sako ng magsasaka.
Una nang sinabi ng NFA na itutulak nito ang mas epektibong mga reporma upang maiwasan ang korapsyon at mapabuti ang mga istratehiya bilang tugon sa pambansang buffer stock kasabay ng suporta sa mga lokal na magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa