Binabalangkas na ng Department of Agriculture (DA) ang guidelines at mechanics para magiging malawakang bentahan ng ₱29 na kada kilong bentahan ng bigas sa Kadiwa Stores.
Ito ay mula sa inaasahang 100,000 metriko tonelada ng bigas na aanihin sa ilalim ng contract farming program ng National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, kasama sa pag-aaral ang umiiral ngayong targeted na benepisyaryo para sa ₱29 kada kilong bigas kung saan ang mga prayoridad na pagbentahan ay mga miyembro ng 4Ps, solo parents, at mga senior.
Paliwanag ni Asec. De Mesa, tina-target ng pamahalaan na matulungan ang 30% ng populasyon lalo na ang mga kapos-palad.
“Ang intensyon noon is para sa targeted beneficiary na mostly iyong mga mahihirap, tsaka seniors, at saka iyong mga solo parents… Mas mahina iyong kanilang purchasing power,” ani De Mesa.
Sa ngayon, ongoing ang trial sale ng murang bigas sa piling Kadiwa sites.
Inaasahan namang aarangkada ang subsidized pricing scheme simula sa buwan ng Agosto. | ulat ni Merry Ann Bastasa