Dumayo sa Palawan ang Bangko Sentral ng Pilipinas para hikayatin ang mga residente sa lalawigan na papalitan ang mga pera nilang may sira o problema na.
Bahagi ito ng Piso Caravan kung saan kasama rin ang pagsisikap na makolekta ang mga itinatagong barya upang mapaikot at magamit muli sa mga transaksyon.
Tatagal hanggang sa Linggo, June 23, ang BSP Piso Caravan sa Provincial Capitol Compound ng Palawan.
Pakikiisa ito ng BSP sa Baragatan Festival ng Palawan kung saan makikita ang mayamang kultura ng iba’t ibang grupo ng mamamayan sa lalawigan.
Kasabay din ito ng mga aktibidad ng BSP bilang pakikiisa nila sa pagdiriwang ng Depositor Protection and Awareness Week ngayong linggo.
Ito ay bilang paniniyak sa seguridad ng mga gumagamit ng sistema nang pagbabangko sa bansa at proteksyon sa kanilang mga ipon sa gitna ng mga banta at hamon.
Makakasama rin ng BSP ang ilang financial institution na tutulong naman sa mga residente ng Palawan sa pagbubukas nila ng e-wallet o kaya ay account sa bangko. | ulat ni Mike Rogas