Nangako si Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na aaksyunan ang isyu sa promotion sa Philippine National Police (PNP), kabilang ang CSC rule kung saan nakasaad na eligible para sa promotion kada tatlong taon ang mga police personnel.
Ayon sa kalihim, dahil sa alintuntuning ito, tila naging ‘bloated’ na ang PNP at ang pagiging heneral ay nagiging karapatan sa halip na pribilehiyo.
Sa pagdinig din sa Commission on Appointments (CA), tinukoy ni Remulla na maraming nagiging floating generals o mga heneral na ngunit walang direktang command o tungkulin.
Dahil dito, itinutulak ng kalihim ang promotion na nakabase sa merit, pangangailangan, at tungkulin.
Mahalaga aniyang magkaroon ng maayos na diskusyon sa PNP para makapaglatag ng mas malinaw na responsibilidad sa mga napo-promote na opisyal sa Pambansang Pulisya.
“With proper conversation and deliberation with the PNP and the national government, we should be able to make the responsibilities of the generals clearer and delineate areas of command much better,” paliwanag ni Remulla.
Kasama rin sa plano ng kalihim ang itaas ang antas ng kwalipikasyon para sa mga aplikante ng PNP at magbigay ng scholarships sa graduates ng PNP Academy para sa mga nais magtaguyod ng Law school. | ulat ni Merry Ann Bastasa