Isinagawa ng mga volunteer diver mula sa Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) ang proyekto para sa reef enhancement sa Katungkulan Bay sa Ternate, Cavite bilang bahagi ng programa na magpapalakas ng marine biodiversity sa lugar.
Sa nasabing proyekto, nag-install ang mga volunteer ng nasa 140 reef blocks bilang bahagi ng marine conservation efforts sa kauna-unahang protected marine park sa Lalawigan ng Cavite.
Layunin nitong maprotektahan ang likas na yaman at marine life sa Ternate, na bahagi rin ng Manila Bay.
Bagama’t naapektuhan ang mga naunang istruktura ng nagdaang bagyo, nananatili itong epektibong kanlungan para sa mga maliliit na isda laban sa epekto ng nagbabagong klima.
Katuwang ng PCGA sa nasabing kaganapanan ang lokal na pamahalaan ng Ternate, DENR PENRO Cavite, at iba pang ahensya at organisasyon, kabilang ang Philippine Marines, Coast Guard Special Operations Force, Rotary Club chapters, at ang San Miguel Corporation.| ulat ni EJ Lazaro