Magiging mas madali at cashless na ang pag-commute sa Bonifacio Global City matapos magkaisa ang beep™ at Mastercard sa pagpapakilala ng contactless payments sa mga BGC bus.
Sa ilalim ng pilot program na ito, puwede nang gamitin ang Mastercard prepaid, debit, o credit cards para mag-tap-in at tap-out, katulad ng beep™ cards.
Layunin ng kapwa Mastercard Philippines at AF Payments Inc. na gawing mas mabilis at magaan ang pagbiyahe gamit ang bagong paraan sa pagbabayad tulad sa BGC buses at isang hakbang patungo sa mas inklusibo at makabagong sistema ng transportasyon.
Bukod sa kaginhawaan para sa lokal na commuters, malaking tulong din ito sa mga turista. Sa halip na gumamit at bumili ang mga ito ng special fare cards o magpapalit ng pera, magagamit na nila ang kanilang Mastercard cards sa public transport pagdating dito sa bansa.
Hindi naman umano papalitan ng nasabing bagong pamamaraan ang kasalukuyang beep™ cards bagkus magiging karagdagan lamang ito sa pamamaraan ng mga commuters para sa paggamit ng mga serbisyo sa transportasyon sa Kalakhang Maynila.| ulat ni EJ Lazaro