Inendorso na ni Senate Committee on Higher Education Chairperson Chiz Escudero sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na nagbabawal ng ‘No Permit, No Exam policy’ sa mga educational institutions.
Sa ilalim ng Senate Bill 1359, ipinagbabawal ang pagpapatupad ng anumang polisiya na hahadlang sa isang mag-aaral sa pampubliko o pribadong paaralan na makakuha ng anumang exam o iba pang educational assessment dahil sa utang sa tuition o anumang school fees.
Nakasaad rin sa panukala na ang school management ang mananagot sa batas at hindi ang mga guro.
Aabot sa โฑ20,000 hanggang โฑ50,000 ang multa sa kada paglabag sa mga probisyon ng ipinapanukalang batas.
Nilinaw naman ni Escudero na hindi binubura ng panukalang ito ang utang ng isang mag-aaral sa paaralan kundi ipinagbabawal lang itong gamitin para hindi makakuha ng exam ang estudyante.
Para aniya maprotektahan naman ang mga paaralan, may probisyon dito na maaaring pumirma ng promissory note ang mag-aaral o kanyang magulang.
Maaaring hindi ilabas ng paaralan ang diploma, grade, certificate, clearance, o hindi pag-enroll-in sa susunod na school year ang mag-aaral na hindi pa nakakabayad ng utang. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion