Aabot sa โฑ27.3-milyong halaga ng mga puslit na asukal ang naharang ng Office of the Assistant Secretary for Department of Agriculture (DA) Inspectorate and Enforcement (DA I&E) sa tatlong araw na operasyon nito sa Manila International Container Port.
Ayon sa DA, naka-consign ang shipment sa Kanluran Consumer Goods Trading at deklarado bilang motorcycle spare parts.
Pero nang buksan na ang container vans ay nadiskubreng naglalaman ito ng sako-sakong asukal.
Patong-patong na kaso ang kahaharapin ng nasabing consignee dahil sa misdeclaration at misclassification ng shipment na labag sa Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013 at Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act ng 2016.
Samantala, mayroon pang anim na container vans ang sasailalim sa physical inspection habang nasa 17 container vans ang inilagay sa Alert Status ng Bureau of Customs (BOC) alinsunod sa anti-smuggling campaign. | ulat ni Merry Ann Bastasa
?: BOC