Isusulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Navy ang pagtutulungan upang masiguro ang malaya at bukas na Indo-Pacific Region.
Kabilang ito sa mga pinag-usapan ni AFP Chief of Staff General Andres Centino at Chief of US Naval Operations Admiral Michael Gilday sa kanilang pagpupulong kahapon sa Camp Aguinaldo.
Kapwa tiniyak ng dalawang opisyal ang pagpapatuloy ng matatag na ugnayan pandepensa ng Pilipinas at Estados Unidos sa pamamagitan ng mga sabayang pagsasanay at ehersisyo, at kooperasyon sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR) at counter-terrorism.
Natalakay din ng dalawang opisyal ang napipintong Balikatan exercise na lalahukan ng mga pwersa ng dalawang bansa.
Sinegundahan din ng dalawang opisyal ang mga unang inihayag ni Department of National Defense (DND) OIC Undersecretary Carlito Galvez Jr. at US Defense Secretary Lloyd James Austin III, tungkol sa pagtatayo ng apat na karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa. | ulat ni Leo Sarne
?: AFP-PAO