Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang panukalang batas na layong ipagbawal ang mga mapang-abusong pangongolekta ng bayad sa mga utang.
Sa inihaing Senate Bill 819 o Debt Collection Practices Bill, ipagbabawal sa sino mang maniningil ng utang ang harassment, pang-aapi, o pang-aabuso upang makakolekta lang ng bayad.
Ipagbabawal rin ang pagbabanta o paggamit ng karahasan, paggamit ng bastos na mga salita, pagbabahagi sa pangalan ng mga mangungutang, at iba pa.
Hindi rin papayagan sa ilalim ng panukalang batas ang paggamit ng mapanlinlang na pamamaraan para makasingil, gaya ng pananakot o pagbabanta ng pagkabilanggo, pagbabanta ng legal na hakbang na hindi naman maaaring gawin, pati na rin ang implikasyong may ginawang krimen ang sino mang nangutang.
Nakasaad rin dito na mapapawalang bisa ang anumang kasunduang may mapanlinlang na representasyon ng karapatan ng mga nangongolekta ng utang at sa mga obligasyon ng nangutang. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion