Patuloy ang pagsusumikap ng mga rescuer na maibaba ang mga labi mula sa bumagsak na Cessna plane sa Mayon Volcano.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) mapanganib ang sitwasyon sa pagbalik ng mga rescuer dahil bukod sa nakataas ang alerto sa bulkan ay madulas din ang lupa dahil sa mga pag-ulan.
Iminungkahi ng Incident Management Team na magtalaga ng 20 tauhan para maibaba ng 200 hanggang 300 metro ang mga labi mula sa itaas hanggang sa makahanap ng ligtas na landing zone ang mga rescuers.
Pinapayuhan ng LGU ang team na mag-ingat sa isinagawang operasyon upang maiwasan ang karagdagang mga casualty dahil ang mga rescuers ay kasalukuyang nahaharap sa panganib dulot ng sitwasyon. | ulat ni Don King Zarate