Simula ngayong araw, February 27, ay mayroon nang scheduling system na ipinatutupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office sa Quezon City para sa mga nais na humingi ng tulong sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Layon ng hakbang na maiwasan ang biglang pagdagsa ng tao sa naturang tanggapan na nangyari noong nakalipas na linggo.
Ayon sa DSWD, magbibigay ito ng iskedyul mula alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Paalala lamang nito sa mga hihingi ng tulong, tiyaking dalhin na ang kompletong mga dokumento na angkop sa hinihinging assistance.
Ikinatuwa naman ng ilang pumipila dito sa DSWD Central Office gaya ni Mang Julius ang scheduling system para aniya maiwasan na ang pagpapalipas ng gabi ng ilan para makahingi ng tulong. | ulat ni Merry Ann Bastasa