Ipinapanukala ni Cagayan 3rd District Representative Jojo Lara ang pagpapatayo ng isang ospital sa Cagayan na tutugon sa mga pangangailangang medikal ng mga nanay, kababaihan, at kabataan.
Sa ilalim ng House Bill 7209, itatatag ang isang 100-bed capacity specialty hospital na tatawaging Cagayan Mother and Child Medical Center.
Umaasa si Lara na sa pamamagitan ng panukulang batas ay mabibigyang pansin ang kalusugan ng mga ina at kabataan.
Dahil aniya sa walang specialty clinic sa rehiyon ay kailangan pang magtungo ng nanay at kanilang anak sa Metro Manila para sa kanilang specialized treatment.
Sakaling maisabatas, ang nasabing specialty hospital ang magiging kauna-unahan sa buong Rehiyon Dos.
Kasama sa magiging serbisyo ng ospital ang prenatal testing, obstetrics and gynecological services, neonatal care, postpartum depression support, at iba pa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion