Magkakaiba ang opinyon ng mga pampasaherong tsuper sa Quezon City sa naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin pa ang deadline sa mga tradisyonal na jeepney na bumuo ng mga kooperatiba o korporasyon para sa PUV modernization program.
Sa panayam ng RP1 team sa terminal ng jeep sa Anonas, Quezon City, may ilang mga tsuper na gaya ni Mang Bayani ang natuwa dahil makakabiyahe pa ng matagal na walang iniisip.
Aminado itong nag-alala siya ng mga nakalipas na araw dahil sa posibilidad na hindi na makabiyahe sa Hulyo.
Aniya, magandang pagkakataon ang extension para makapag-isip-isip pa siya sa modernization program.
Gayunman, may mga driver pa ring hindi lubos na kuntento sa ibinigay na deadline ng LTFRB.
Ayon kay Mang Ronald, hindi siya kampante sa extended na deadline dahil patuloy pa rin namang ipipilit ang pagsali nila sa kooperatiba.
Sinabi naman ni Tatay Alberto, na 16 na taon nang namamasada, dapat pakinggan ng LTFRB ang mungkahi ni Pangulong Marcos na tingnan ang kondisyon ng mga jeep sa bansa at ikonsidera na payagan pa ring makabiyahe ang mga ito kung maganda pa ang takbo.
Sa usapin naman kung sasali pa rin sa weeklong strike ang mga tsuper, ay susunod umano sila sa kung anong desisyon ng kanilang presidente at makikisama sa mga kapwa driver. | ulat ni Merry Ann Bastasa