Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangan na ng kamay na bakal sa pagtugon sa mga pamamaslang at pag-atake sa mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal sa bansa.
Ito ay kasunod na rin ng pagtawag ni Zubiri na “act of terror” sa nangyaring pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa sesyon kahapon, pinagtibay ng mataas na kapulungan ang isang resolusyon na mariing nagkokondena sa pamamaslang kay Degamo at sa pamamaslang at pag-atake sa government officials at private individuals.
Ayon sa Senate leader, tila hindi na natatakot ang mga mamamatay-tao na ito, hired man sila o politically motivated.
Kailangan na aniya silang matuto na kapag may krimeng ginawa ay kakaharapin nila ang buong pwersa ng batas nang walang takot o pagpabor.
Pinunto nito ang mga nakalipas na pamamaslang sa mga incumbent at dating opisyal ng pamahalaan nitong mga nakalipas na buwan, kabilang sina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda; dating Lamitan City, Basilan Mayor Rose Furigay; dating Lobo, Batangas Vice Mayor Romeo Sulit; at dating Samar Mayor Miguel Abaigar.
Ang nakakalungkot pa aniya dito ay nadadamay sa ganitong pamamaslang ang mga inosenteng sibilyan na wala namang kinalaman sa anumang motibo ng mga nasa likod ng assasinations.
Sa pagturing naman na “act of terrorism” sa naturang pamamaslang, ipinaliwanag ni Zubiri na sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (RA 11479) maikokonsiderang “terror act” ang isang aksyong makakapagdulot ng kamatayan o serious bodily injury sa sinumang indibidwal.
Ang nangyari rin aniya ay may intensyong takutin ang publiko at makagawa ng “atmosphere of fear” na nakasaad rin sa batas na maikokonsiderang “act of terror.”
Kaya naman dapat lang aniyang ituring na mga terorista at kalaban ng estado ang mga killers at mastermind sa mga pamamaslang na ito.
Kinalampag rin ng Senate president ang Philippine National Police (PNP) na gampanan ang mandato nitong protektahan ang sambayanang Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion