Isa sa mga nakasama ni John Matthew Salilig sa hazing rites ng isang fraternity, ibinahagi ang dinanas ng nasawing estudyante
Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang ilan sa mga personalidad sa kaso ng pagkasawi ng Adamson student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.
Sa naturang pagdinig ay ibinahagi ng tumatayong testigo na si Roi dela Cruz ang mga pinagdaanan ni Salilig noong araw ng welcoming at initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity noong February 18.
Si dela Cruz ay neophyte ng Tau Gamma Phi na dumaan sa initiation rites habang si Salilig at dalawang iba pa ay sumailalim sa welcoming rites bilang dati na silang bahagi ng fraternity.
Ayon kay dela Cruz, noong araw ng hazing rites ay hindi na maganda ang pakiramdam ni Salilig dahil nakakaramdam na ito ng LBM o pagloloko ng tiyan.
Matapos ang ritwal na ginawa sa kanila ay dinala aniya sila sa isang bahay sa Paranaque kung saan kalaunan ay nawalan na ng malay si Salilig at nag-seizure.
Tumanggi umano ang ilan sa mga miyembro ng grupo na dalhin sa ospital si Salilig dahil bawal daw ito base sa kanilang panuntunan.
Ayon sa PNP, 18 suspects ang nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law. Sa mga ito, 6 na ang inquested, 1 ang sumuko na, 1 ang nasawi at 10 pa ang pinaghahanap ng mga otoridad. I via Nimfa Asuncion