Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ay para maibsan ang napakahabang pila na nararanasan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) partikular na sa Terminal 3 nito.
Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, nakatanggap sila ng kaliwaβt kanang reklamo ng mga pasaherong naiiwan ng kanilang eroplano dahil sa mahabang pila sa Immigration Counters bunsod ng kakapusan ng mga tauhan.
Kasunod nito, sinabi ni Chiong na nangako ang BI na magdaragdag pa sila ng mga tauhan bago pa man dumagsa ang mga pasahero lalo na sa peak hours upang maiwasan na ang mahabang pila.
Hinihimok din ng MIAA ang Immigration na dagdagan ang kanilang electronic o e-gates, para sa mga papaalis na pasahero bukod pa sa mga nauna nang inilagay na e-gates para sa mga paparating na pasahero upang mapabilis ang kanilang biyahe. | ulat ni Jaymark Dagala