Inilabas na ng pamunuan ng Metro Rail Transit o MRT line 3 ang resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa pagkasira ng laptop ng isang pasahero matapos idaan sa x-ray machine sa Taft avenue station.
Batay sa pahayag ng MRT 3, nabatid na hindi naabisuhan ng pasahero ang mga gwardiya ng istasyon na may lamang gadget ang kaniyang bag nang idaan ito sa x-ray machine.
Sa kabila naman ito ng mga pabatid ng MRT na kailangang ilagay sa inilaang tray ang mga gadget bago ito idaan sa x-ray bilang bahagi ng pag-iingat sa mga kagamitan.
Nabatid na batay sa kuha ng CCTV camera, patayong inilagay ng pasahero ang kaniyang bag sa x-ray machine taliwas sa pahayag ng pasahero na pahiga at maayos niya itong inilagay sa machine.
Iginiit pa ng MRT 3 na may sapat namang espasyo ang bag ng naturang pasahero at hindi ito nadaganan ng mga bag ng iba pang pasahero sa nasabing istasyon.
Sa kabila naman nito, humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT 3 sa hindi maayos na pagtugon ng kanilang mga guwardya sa sitwasyon at nangakong pagbubutihin ang maayos na pagtugon sa mga reklamo.
Gayunman, nanindigan ang MRT 3 na wala silang pananagutan sa anumang kagamitan na masisira o mawawala sa loob ng kanilang nasasakupang istasyon. I via Jaymark Dagala