Nais ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee na panagutin at pagbayarin ang kompanyang may-ari ng MT Princess Empress.
Ito ang tanker na lumubog sa Oriental Mindoro na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel.
Diin ni Lee, karapatan ng pamahalaan na habulin ang MT Princess Empress dahil sa epektong idinulot ng oil spill sa kapaligiran at kabuhayan, hindi lang sa Mindoro ngunit maging kalapit probinsya.
“Kailangang mapanagot ang mga may-ari ng MT Princess Empress. Mahalagang protected area ang nasa panganib dahil sa oil spill, kaya’t kailangang maghabol ang pamahalaan para sa containment, cleanup, at rehabilitation ng mga maaapektuhang area. Manganganib ang kabuhayan ng maraming mangingisda sa Mindoro at sa iba pang lalawigan na nakapalibot sa kontaminadong dagat,” saad ni Lee.
Ayon sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nanganganib maapektuhan ng oil spill ang nasa 21 marine protected area lalo na ang Verde Island Passage na itinuturing na sentro ng marine biodiversity sa buong mundo.
Apela rin ng mambabatas sa pamahalaan na agad paabutan ng tulong ang mga mangingisda na maaapektuhan ang hanapbuhay dahil sa oil spill.
“Nakikiusap tayo sa pamahalaan na kasabay ng pagpapanagot sa mga responsable sa oil spill at paglimita ng pinsala, sa lalong madaling panahon ay bigyan din ng ayuda at pansamantalang trabaho ang mga mangingisdang apektado ng oil spill,โ pagtatapos ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes