Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong magtatag ng intervention program para mapaigting ang learning recovery at matugunan ang pinsalang idinulot ng COVID-19 pandemic sa edukasyon.
Sa botong 22 senador na pabor, isa ang tutol at walang abstention, aprubado na ng Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 1604 o ang panukalang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program law.
Si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang bumoto ng tutol sa panukala.
Saklaw ng panukalang programa ang essential learning competencies sa subjects na Language at Mathematics, para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science mula Grade 3 hanggang Grade 10.
Para sa mga mag-aaral ng kindergarten, tututukan ng ARAL Program ang mga dagdag kakayahang patatatagin ang kanilang numeracy at literacy competencies.
Magsisilbi namang tutor sa ilalim ng ARAL Program ang mga guro at para-teachers, at maaari ring magboluntaryo bilang tutor ang mga kwalipikadong mag-aaral mula sa senior high school at kolehiyo.
Ang mga mag-aaral sa kolehiyo at senior high school na magsisilbing mga tutor ay makatatanggap ng credits na katumbas ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program. | ulat ni Nimfa Asuncion