Nagkaisa ang mga senador na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na tutugon sa isyu ng term of office ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang Senate Bill 1849.
Matatandaang sinertipikahang urgent bill ng MalacaΓ±ang ang naturang panukala.
Tiniyak ni Senate Committee on National Defense Chairperson Jinggoy Estrada na ang naturang panukala ay tutugon sa “grumblings” sa hanay ng AFP habang pinananatili pa rin ang layunin ng Republic Act 11709 na mawala ang tinatawag na ‘revolving door’ policy sa promotion ng mga AFP officials.
Sa aprubadong bersyon ng panukala, ibinalik sa 56 years old ang retirement age para sa AFP Chief of Staff, commanding generals ng tatlong major services ng AFP, at ang superintendent ng Philippine Military Academy (PMA).
Nilimitahan na rin sa limang key officers ang magkakaroon ng fixed term of duty:
Tatlong taon para sa AFP Chief of Staff, dalawang taon para sa commanding generals ng major services, at PMA superintendent.
Hindi na magkakaroon ng fixed term na tatlong taon ang vice chief of staff, unified command commanders, at inspector general.
Para naman maging karapat-dapat sa appointment o promotion sa ranggong brigadier general o commodore o mas mataas pa dito, ang isang opisyal ay dapat magkaroon ng at least isang taong natitirang active service bago ang kanyang compulsory retirement.
Umaasa si Estrada na sa tulong ng panukalang ito ay maitataas na ang morale ng mga sundalo at opisyal ng AFP. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion