Tiniyak ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Brigadier General Romeo Caramat na wala silang sasantuhin sa paghahatid ng katarungan sa mga biktima ng krimen.
Ang pahayag ay ginawa ng opisyal matapos sampahan ng reklamo kahapon ng CIDG si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. at limang iba pa sa Department of Justice.
Kaugnay ito ng pagpatay kay Miguel Dungog, Lester “Tom-Tom” Bato at Pacito Libron noong 2019.
Kasama sa mga sinampahan ng kriminal na reklamo ang isang alyas “Hannah Mae” na sekretarya ni Rep. Teves, Richard Cuadra, alyas “Boy Cuadra”; Jasper Tanasan alyas “Bobong Tanasan”; Rolando Pinili alyas “Inday”; at Alex Mayagma.
Ayon kay Brig. Gen. Caramat, si Cuadra at Pinili ang direktang akusado sa pagpatay sa mga biktima; habang sangkot si Tanasan at Mayagma dahil sa “indispenasable cooperation” sa krimen.
Base aniya sa sinumpaang salaysay ng mga testigo, si Rep. Teves ang umano’y mastermind ng krimen; at kasama din sa pagpaplano ang kanyang sekretarya na umano’y siyang namahagi ng “operational expenses.” | ulat ni Leo Sarne
?: CIDG