Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Tau Gamma Phi fraternity, sa pamunuan ng Adamson University at sa mga otoridad, na tiyaking mabibigyan ng katarungan ang pagkasawi dahil sa hazing ng engineering student na si John Matthew Salilig.
Partikular aniyang dapat panagutin ang mga suspek sa Anti Hazing Law.
Bilang miyembro ng Tau Gamma Phi, sinabi ni Villanueva na nakakapanlumo ang nangyari lalo na at hindi aniya ito parte ng kanilang paniniwala at ipinaglalaban.
Binigyang diin ng majority leader, na hindi nasusukat ang tibay ng samahan at kapatiran sa hazing o iba pang uri ng karahasan.
Sa gitna ng panibagong kasong ito ng hazing, nais ng senador na marebyu ang anti hazing law, at pag-aralan kung naipapatupad ba ito ng maayos.
Kailangan rin aniyang alamin kung may magagawa pa ang kongreso para mas maging proactive sa pagpapatupad ng naturang batas. | ulat ni Nimfa Asuncion