Plano ng Senate Committee on Justice na dinggin pagkatapos ng Semana Santa ang resolusyon na humihiling ng suporta ng buong Senado para depensahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Matatandaang kabilang sina Senador Robin Padilla at Senador Jinggoy Estrada sa mga naghain ng resolusyong ito sa mataas na kapulungan.
Kaugnay ng gagawing pagdinig, sinabi ni Committee on Justice Chairman Senador Francis Tolentino na plano niyang imbitahan, kahit sa pamamagitan ng video conference, si ICC prosecutor Kamir Khan.
Paliwanag ni Tolentino, pagpapaliwanagin nila si Khan kung bakit hindi tinanggap ang apelang inihain ng Office of the Solicitor General na suspendihin ang imbestigasyon.
Layon rin aniyang malaman kung ano ang gagawin ng ICC prosecution team.
Maliban sa kinatawan ng ICC ay plano rin ng senador imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig, kahit sa pamamagitan lang rin ng teleconference.
Giniit rin ng mambabatas na kailangang patunayan ng ICC na hindi gumagana ang justice system ng Pilipinas.
Nilinaw naman ni Tolentino na ang gagawing pagdinig ng kanyang kumite ay hindi mangangahulugan na kinikilala na ang hurisdikdyon ng ICC sa ating bansa, bagkus ay ipapaunawa lang aniya sa kanila na kahit magtuloy ang imbestigasyon ay wala itong patutunguhan. I via Nimfa Asuncion