Pinuri ni Senadora Grace Poe ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakaaresto ng mga suspek sa kidnapping at pamamaslang sa Filipino-Chinese businessman na si Mario Uy.
Gayunpaman, iginiit ni Poe na hindi dapat nagbabayad ng ransom money para lang makuhang muli ang isang biktima ng kidnapping.
Kailangan aniya ng mas malakas na hakbang para masugpo ang kidnap-for-ransom groups na aniya’y tila mas nagiging matapang sa kanilang mga aktibidad at napapaulat pang may backing ng mga tiwali o AWOL (absent without leave) na mga sundalo o pulis.
Kaugnay nito, sinabi rin ng senador na inaantabayanan niya ang magiging aksyon sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na itinuturong nagdadala ng mga krimen gaya ng kidnapping.
Sinabi ni Poe na dapat gumawa ng hakbang ang mga otoridad para tuluyan nang matigil ang kidnapping sa bansa at mapanagot ang mga gumagawa nito.
Dapat aniyang tiyakin na mamumuhay ang mga Pilipino sa isang komunidad na malayo sa takot at karahasan. I via Nimfa Asuncion