Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsisimula na ang implementasyon ng “Summer Heat Stroke Break” para sa mga tauhan nito sa Abril.
Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group Director Atty. Victor Nuñez, naglabas na ng memorandum circular si acting Chairperson Romando Artes para sa naturang break simula April 1 hanggang May 31.
Sa ilalim ng memorandum, pahihintulutan ang traffic enforcers at street sweepers na magkaroon ng 30 minutong summer heat stroke o water break sa bawat shift.
Batid ni Nuñez ang matinding init sa panahon ng dry season kung saan isa sa vulnerable ang kanilang mga tauhan na naka-assign sa field.
Maaari rin aniyang may pumalit sa puwesto ng magpapahingang tauhan.
Kasabay nito, umapela ang opisyal sa publiko na maging sensitibo sa pagkuha ng larawan tulad ng mga enforcer na nagpapahinga sa malilim na lugar. | ulat ni Hajji Kaamiño