Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na dapat maging maingat ang pamahalaan sa panukalang merger o pagsasama ng Landbank of the Philippines at ng Development Bank of the Philippines (DBP).
Pinaliwanag ni Hotiveros na ang naturang hakbang ay magreresulta sa pagkakaroon ng pinakamalaking bangko ng pilipinas na may kaakibat ring malaking risk.
Aniya, nakita na noong 2008 Global Financial Crisis na ang malalaking bangko ay mas mapanganib at may posibilidad na magpasok ng mas matinding systematic risk sa ating financial system.
Isa pang pinunto ng senadora ang magkaibang mandato ng Landbank, na para sa pagtulong sa sektor ng agrikultura, habang ang DBP naman ay para sa imprastraktura, logistics, at komersyo.
Giniit ni Hontiveros na kailangan pang lubusang maunawaan ang magiging pakinabang ng merger na ito at balansehin ang anumang panganib na maidudulot sa ating ekonomiya at financial system.
Plano ng senadora na maghain ng resolusyon para magkaroon ng oversight hearing sa lalong madaling panahon patungkol sa pinapanukalang merger. I via Nimfa Asuncion