Pinapurihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pinakamataas na dividend rates na naitala ng PAG-IBIG Fund mula ng tumama ang COVID-19 sa bansa, kung saan pumalo sa 6.53% ang regular savings dividend rate noong 2022.
Habang umakyat naman sa 7.03% per annum ang dibidento ng MP2 Savings ng PAG-IBIG.
“Makikita niyo maganda talaga ang performance ng Pag-IBIG Fund. Kaya’t sinasabi ko sa kanila dapat ipaalam natin sa taong-bayan na ‘yung Pag-IBIG Fund ganito ang naging performance para naman malaki ang tiwala nila na masasabi natin ‘pag nilagay ninyo ‘yung pera ninyo diyan talagang lalaki ‘yan at hindi magkakaproblema, hindi mawawala ‘yung savings ninyo at saka ‘yung investment ninyo,” ani Pangulong Marcos.
Sa naging talumpati ng pangulo sa Chairman’s report sa Pasay City, sinabi nito na malayo na ang narating at malaki na ang naging transpormasyon ng tanggapan.
Nitong 2022, naitala ang record high na Php44.50 billion net income, 28% na mas mataas kumpara noong 2021.
Nasa Php79.9 billion naman ang total membership savings, at Php127.4 billion na loan payments.
Dahil dito, itinuturing ng PAG-IBIG Fund na best performing year ng tanggapan ang 2022.
Kaugnay nito, umapela si Pangulong Marcos sa tanggapan at sa mga kabalikat nito na i-sustain ang momentum o estado ng mga pigurang ito, kasabay ng pagpapanatili sa tiwala ng publiko sa PAG-IBIG Fund.
“Thus, I call upon the Fund to further build on this growth and momentum to continue to improve the lot of the Filipino workforce, and also to significantly assist in addressing our housing backlog as an industry leader in home mortgage financing,” ani Pangulong Marcos.
Ginamit rin ng pangulo ang pagkakataon upang manawagan sa PAG-IBIG Fund na pag-igtingin ang pakikipagtulungan sa Housing Department, para sa pagtugon sa housing backlog ng bansa.
“On this note, I challenge the Fund to work closely with the Department of Human Settlements and Urban Development, saddled as it is by budgetary constraints, in order to find effective strategies to ease our housing situation, by leveraging on your industry experience, expertise and acumen,” ani Pangulong Marcos. I via Racquel Bayan